Sunday, 21 June 2009

Panatang Makabayan

Isang pagbabalik-aral mula sa Klasrum ni Pajay
COURTESY OF ADRIANNE D. GUZMAN

Iniibig ko ang Pilipinas
Aking lupang sinilangan
Tahanan ng aking lahi,

Kinukupkop ako
At tinutulungan maging malakas,
masipag at marangal.

Dahil mahal ko ang Pilipinas,
Diringgin ko ang payo
ng aking mga magulang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan:
naglilingkod, nag-aaral at nagdarasal
nang buong katapatan.

Iaalay ko ang aking buhay,
Pangarap, pagsisikap
Sa bansang Pilipinas.

Pacencia

"Hindi ito biskwit na kinakain mo. Isa itong pagtitiis na ginagawa mo, sa mga amo natin dito na kasa-kasama mo, pag 'di nakapag-timpi ay uwi ang katapat mo."


Sabi nga ng PDOS bago tayo pumunta dito, dapat ay isang sakong "Pasensiya" ang dala-dala mo. Noong una ang sabi ko, bakit kailangan mo ng isang sakong pasensiya, wala bang makakain dun?Ha!Ha!Ha! pero eto sa bandang huli, madalas kunot ang noo at pailing-iling pa. Tsk! mali pala ang PDOS, hindi sapat ang isang sakong pasensia ang dapat mong dalhin. Dapat ay siguraduhing hindi butas ang sakong dala mo, dahil pag nagkataon hindi pa tapos ang unang kontrata mo eh malamang nag-resign ka na.


Iba't-ibang lahi ang mga kasama mo, pag minalas-malas ka baka indiano pa ang maging amo mo. Hindi ko nilalahat ang salitang ito, pero halos sang-daang porsiento walang sablay 'to. Mapa-arabo, egipto, indiano, palestino, lebaneno't pakistano, pag sila ang makasama mo, tiyak na nasa paa na rin ang utak mo. lols!


Wala lang, di ko ubos maisip kung bakit ganito ang amo ko, isang Lebaneno na ubod ng gwapo. Yun nga lang sintunado, wala sa tono kung magkomento. Naknakan ng yabang, punung-puno ng kasinungalingan. Lahat alam niya, pati secret ni Tarzan, ang di niya lang alam "tawas" lang gamit ni Tarzan.

Hay! naku ano ba 'to? bakit ganito ang amo ko? Habaan mo pasensiya mo para di makalaboso.

Tuesday, 16 June 2009

Saludo para sa inyo!


Kamakailan ay ginanap ang Ika-111 taong aniversaryo ng ating Kalayaan sa IPSA (Int’l. Phil. School in Al-Khobar. Bilang paggunita o pag-alala at pagpapahalaga sa ating mga bayaning binuwis ang kanilang buhay para sa ating Perlas ng Silanganan.

Halos di magkamayaw ang mga tao sa loob at labas ng paaralan. Bawat isa’y abala at may saya sa pagdiriwang na ito. Naging makabuluhang muli ang pagdiriwang sa pamumuno ni Labor Attache David Des T. Dicang sa tulong na rin ng ating Embahada, IPSA faculty and staffs, mga sponsors at mga volunteers.

Sinimulan ng paunang parada ng mga organisasyon at grupo ng mga OFW ang nasabing pagdiriwang, isa sa nakilahok ay ang COMSOFIL-EP (Computer Society of Filipinos Int'l. Inc., Eastern Province Chapter sa pamumuno ni President Ronaldo Acosta. Ang grupo ay naatasan ng dalawang komite, Ang "tabulation at documentation team". Sinundan ito ng pagkanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas at paunang salita ng ating Labor Attache. Hindi nakadalo ang ating kagalang-galang na si Ambassador Villamor na kung saan ay ipinagdiriwang din ang ating kalayaan sa bansang Yemen. Ngunit sa kabila nito ay may inatasan siyang katiwala na ipahatid ang kanyang mensahe para sa lahat ng dumalo.

Lalong binigyang saya ang nasabing pagdiriwang sa pagsisimula ng paligsahan sa pagkanta na pinamunuan ni TFC Popstar Kimberly Molina. Mga bata, menor de edad, matanda at ubod ng tanda, lols! isama mo pa ang mga grupo ng acapella na nagbigay aliw at saya sa mga panauhin at bisita.

Nariyan din ang sari-saring paninda, mga kakaning Filipino na ubod ng sustansiya. Biko, kutsinta, kalamay at atsara, makabibili ka sa napakamurang halaga. May sago’t gulaman, puto-bumbong at iba pa, ika’y maaaliw talaga sa napakaraming paninda.

May mga pa-rapol rin na nagdagdag ng saya, mga antuking manonood ay biglang sumigla. Isang nakakaaliw na presentasyon sa grupo ng acapella, makapigil hininga yan ang hatid ng “Prime Note Ensemble”.

Isang makabagbag damdamin ang biglang umentra, isang manggagawa pala na wala ng pera. Hiningan ng tulong ang bawat isa, ‘yung bukal sa loob” yan ang sambit niya. Isa siyang operada na di na kaya bilhin at sustentuhan ang mga gamot niya. Mabuti na lamang ay nariyan ang Director ng Dossary Hospital, at sa tulong ni Ms. MJ Tupas ay nabigyang linaw at kasagutan ang problema ni Mr. Operada.

Siyempre, hindi diyan nagtatapos ang aking istorya, isang espesyal na panauhin ang siyang kumanta. Galing siya ng Pinas dati ring kilabot ng kolehiyala, magaling kumanta, Richard Reynoso pangalan niya. Umawit at nagpatawa ‘yan ang ginawa niya, bago ang parangal sa mga nanalo sa pagkanta.


Dito nagtatapos ang aking istorya, isang munting ala-ala hatid ng IPSA para sa MASA.

Monday, 15 June 2009

Blog-sakan na'to!

Simulan ang pagbasa ng parang tulang nasa dyaryo, tiyak na makukuha ang nilalaman nito.
Tawagin mo na lang akong Jon D’ Mango (pero hindi ako kapatid ni Joe). Pangalang binansag sa akin, yan ang gamit ko. Hindi rin ito istasyon ng radyo na kung saan pag-ibig ang hatid nito. Ako’y isang OFW sa bansang Arabo, inspirasyon ang kaibigan sa paglikha ng blog na ito.
Hindi ako manunulat ako’y isa lamang katoto, na ibig maghatid ng saya at kwentong totoo. Mga istorya ng buhay saan man sulok ng mundo, mga kapwa ko OFW o kahit na sinong tao.Ihanda ang iyong kuru-kuro o ang pamatay na komento, bawal ang pikon dito, “wholesome” ang Blog na ito. Lahat ay “open” dito wag lang kwentong barbero’t kutsero.
Kaya’t tayo na! Ano pang hinihintay mo, simulan ang pagbasa at magbigay ng iyong komento. Sariling kwento mo ibahagi sa buong mundo, mapa-komedi o drama o aksyon man ito.
Isang taos-pusong pasasalamat sa iyong pagdalo, nawa’y ika’y maaliw, at may mapulot na aral sa paglisan mo.